Agatha Pelayo. Pebrero 28, 2024
Iginuhit ni James Sombillo
Nangyayari ang maagang pagbubuntis hindi lamang dahil pinili nila ito kundi dahil sa kawalan ng edukasyon, impormasyon at pangangalaga ng kalusugan. Kaya isinusulong ng Department of Health (DOH) na pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral. Ang sex education ay pag-aaral tungkol sa sekswalidad ng tao kabilang ang kalusugan, relasyon, pakiramdam, responsibilidad, bahagi ng katawan, sexual reproduction, sexual activity, age of consent, reproductive rights, birth control at pagpipigil sa pagtatalik. Ang edukasyon tungkol dito ay nagsisimula sa kani-kanyang tahanan at ipinagpapatuloy sa paaralan para sa mga batang mag-aaral na karaniwang nalalantad sa maseselan at sensitibong karanasan o impormasyon tungkol sa pagtatalik.
Wala namang masama sa pagtuturo ng sex education sa mga bata. Ngayong marami nang mga kabataan ang nakikipag-engage sa premarital sex at maagang nagkakabuntisan, dapat malaman nila ang masamang kahahantungan ng kanilang ginagawa. Maituturo sa mga kabataan na hindi dapat makipagtalik nang walang kahandaan ang bawat isa. Dapat ay nasa tamang edad ang pag-aasawa at sa pagkakataong iyon lamang nararapat na magkaroon ng pagtatalik at magbubunga para makabuo ng pamilya.
Hindi masama na matuto sa sex education ang mga kabataan. Ang kanilang pagkatuto rito ay magagamit nila sa kanilang hinaharap at magkakaroon ng pakinabang. Hindi na mahihirapan ang gobyerno sapagkat mababawasan na ang gastos. Malaki ang matitipid kung kakaunti ang populasyon at wala ring magkakasakit.
Kailangang maturuan pa ang mga tao sapagkat kulang na kulang sila sa kaalaman ukol sa sex education. Marami pa ang ignorante sa larangang ito at ang kakulangang ito ang dahilan kaya lumulobo na ang populasyon ng Pilipinas. Kung sa simula pa lamang ay maituturo na ang ukol sa sex education sa mga kabataan, mababawasan na ang mga hindi inaasahang pagbubuntis. Malalaman nila na hindi ito tama at hindi nararapat na gawin.
Comments